November 19, 2012

AMALAYER

Sining ng Komunikasyon para sa Unang Baitang
by Bob Ong


FEU Tamaraws, Mapua Cardinals, UP Maroons--unang kita ko sa Twitter kala ko varsity team: AMA Layer? Ano yung layer? Tsk, tsk...pinakabagong viral video pala. Hindi ka man maki-click, mababalitaan mo rin sa evening news. Kaya pinanood ko na. Pero kahit panoorin, nakakalito pa rin. Masyadong bata yung (kontra)bida. Pag pinakinggan mo lang, kala mo declamation sa isang programa sa eskwelahan. Ummm, kahit pala panoorin, declamation pa rin ang dating dahil sa mga galaw. Parang play sa school. Masyadong bata...Nene. Pero natakot kagad si Lady Guard kasi ininglish sya. E sa ordinaryong Pilipino pa naman ang English e parang pagsasaboy ng asin sa kalahating katawan ng manananggal.  Masakit. Sa bagsak ng mga linya ni Nene, isa lang ang naisip ko. "Ito na yon!  Masyado na talagang lunod sa telenovela ang mga Pilipino!"

Pero may isang reaksyon akong nabasa sa Twitter na pinapanigan ko: Na lahat naman daw tayo ay may "boiling point," naging masyado lang masama si Nene dahil may camera...at social network. Pangit ang naging asal nya at sabi nga, "mean people suck," pero kasingsama rin noon ang nauusong kultura sa internet ngayon na sama-samang pambabato sa sino mang nagkakasala. Una, sabi nga, sino ba ang hindi nagkakamali? Pangalawa, ilan kaya sa mga nagbato ng masasakit na salita kay Nene ang handang mamagitan sa pagtatalo at magtanggol kay Lady Guard sakaling nasaksihan nila ang gulo nang personal?  Hindi maganda ang inasta ni Amalayer kay Lady Guard. Pero kung susuklian natin yon ng muhi at masasakit ring salita, wala tayong ipinagkaiba.

Masyadong kumportable para sa marami ang internet para pag-isipan pa ang mga binibitiwang salita. Sa Twitter pa lang, nakakalula na. Meron ako ngayong 48,279 Followers. 16,500 lang ang alam kong capacity ng Araneta Coliseum. 48,279...halos tatlong jam packed na Big Dome!  Ano ang sasabihin mo sa mic sa harap ng ganoon karaming tao?!?

Sa kasamaang palad, marami sa atin ang gumagamit ng social networks na may libu-libong miyembro para magbitaw ng mga salitang hindi nila gugustohing sabihin kahit sa isandaang tao lang, o sa sampu, o sa isa kung makikita ang mga mukha nila.  Karaniwang biktima dito ang mga artista, na anuman ang naging kapalpakan ay wala nang kinalaman sa tunay na ugali ng mga humuhusga.  Kahit ako, tinatablan din ng mga bad book reviews at mga pangit na komento online, pero minsan gusto ko silang paalalahanan na maghinay-hinay konti dahil higit sa kalidad ng trabaho ko ay mas nakikita ang kalidad ng mga katauhan nila base sa pananalita; bagay na alam kong gugustohin nilang pagtuunan ng pansin kung maipapaalam lang sa kanila.

Madaling magsabi ng kung anu-ano online nang di mo na naiisip kung may kabuluhan ba o wala, o kung nabigyan man lang ng hustisya ang mga oil, coal, at natural gas na ginawang kuryente para maiparating sa ibang tao ang saloobin mo.  Masyadong nakakatukso ang Twitter--ang internet--para sundin pa ang pilosopiyang Think Before You click.  Masyadong kombinyente ang social networks sa pagsasalita para kalsohan pa ng pag-iisip.  Madaling makalimot.  Nakakatakot.  Nakakakonsensya.

Alam ko, alam ko, may lugar ang kalokohan sa internet...at dapat lang.  Hindi kailangang lahat na lang e seryoso.  Walang basagan ng trip.  Pero hindi rin ako naniniwalang dapat matapos lang sa ganon ang silbi ng social media.

Manunulat man ako e hindi ko ipinapako sa krus si Tito Sotto sa kasong plagiarism.  Una, dahil wala na tong kinalaman sa RH Bill o anumang seryosong isyu sa bansa. Para syang kontrabidang naghagis ng buto na pinagkaguluhan kagad ng mga humahabol na aso. Kung diverting tactics man yon, nagwagi sya. Pero tingin ko hindi na yon kailangan ng mga Pilipino dahil may attention span tayo na kasinghaba lang ng buhok ni Mr. Clean. Marami ang nagsasabi na pagkakataon na raw ito para putulin ang kasinungalingan sa gobyerno at kawalan ng delicadeza ng mga politiko. Pero nahihiya ako at naawa sa mga kababayan natin sa pinakamahihirap na probinsya na biktima ng mga totoo at seryosong kawalanghiyaan nila Gov at Congressman. Yun nga lang dahil hindi naman viral sa social networks ang mga problema nila, hindi tayo nag-aabalang ikundena ang mga kontrabida.

May iba pang gamit ang online media liban sa panghuhusga.  Bago mo i-share ang litrato ng katulong daw na nanloko, sinigurado mo man lang ba ang pinagmulan nito? Kasi kawawa yung tao na yun kung may nag-trip lang sa kanya--na napakadaling gawin sa internet.

Alam kong nakakatawang isipin na para sa isang taong tulad ko, kumpleto ako sa social networks.  Napilitan akong gawin ito noong umpisa para lang proteksyunan ang sarili--ang mga mambabasa--sa identity theft, o sa pagpapanggap ng iba para sa sarili nilang mga malisyosong interes.  Pagpapanggap man yon para makatikim sila ng konting kasikatan kahit hiram lang; o pagpapanggap na may mas marumi pang intensyon.  Pero salamat na rin sa internet, LALO ko pang nakilala ang Pilipino.

Isang kapansin-pansin sa internet, tabi-tabi po, ay ang dami ng mga may kahinaan sa pag-iisip at tamad magbasa.  Yun bang pagkatapos ng isang patalastas na nagsasabi kung kailan ilalabas ang isang libro, ang unang comment ay: "Wow, sale na ba yan?!?"  ...na sinusundan ng iba pang version ng ganoon ring tanong.  Pero hindi lang sa akin ang ganyang karanasan.  Mag-ikot ka ng Pinoy classified ads online, marami ang may nakasulat na: "Please read everything here before asking questions.  I won't entertain questions that have already been answered here."  ...na alam mong kung magpapakatotoo yung advertiser ay isusulat nya ng "MAGBASA KANG HINAYU@#$ KA BAGO KA MAGTANONG NANG MAGTANONG!"

Yun yung parteng nakakatawa.  Ang parteng nakakalungkot, at talaga namang nakakalungkot, ay ang higanteng imahe ng mga Pilipino na humarap sa akin sa social networks:  Negatibo.  Hard-wired self-deprecating negative-thinking citizens.  Sa mga idea na libre at singko-isang-tumpok na makikita at mababasa sa Facebook at Twitter, sistema man o materyal na bagay, karaniwang comment ng mga Pilipino: "Hindi pwede sa atin yan! LOLz!"  Nakakalungkot dahil pangarap na nga lang, pinipisa pa kagad.  Ang malala pa...mas bata, mas bagsak ang moral:  "Asa pa! Puro kurakot politiko natin e!"  Tapos ang usapan.  Napakadaling manisi.  Ewan ko kung magkano equivalent na grade ng mga ganoong sagot sa essay exams ngayon ng mga estudyante.  "Sana mabasa to ng gobyerno, Bob!" o kaya naman: "Dapat ipadala mo to sa mga kinauukulan!"  Walang nag-iisip na ang pinakaimportanteng kinauukulan ay sya mismo na nagbabasa.  Laging nasa "iba" ang pagbabago, kay "sila" ang pagkukulang, at si "Bob" ang may dapat gawin.  Ang social responsibility ay nauuwi na lang sa simpleng LIKE, SHARE, at pagpapa-TRENDING ng #Amalayer na may kaakakibat na pinakanakakatawang tweet ng pangmamaliit.

Saan man naroroon ngayon si Rizal, alam kong masaya sya.  Dahil hindi nya tayo kasama.